Ang aklat na ‘Gapố ay isang nobelang isinulat ni
Lualhati Bautista na tumatalakay sa problemang nababalot sa mga base militar ng
mga Amerikano dito sa Pilipinas. Ilan sa mga kasama rito ang diskriminasyon ng
mga Amerikano sa Pilipino, pag-aalipusta sa mga Pilipina ng mga puti, at maging
ang kawalang-bahala ng mga Pinoy o mas tamang sabihin na gobyernong Pilipino sa
mga nangyayari sa lugar ng mga base militar.
Nagsimula
ang kuwento sa Freedom Pad, isang bahay-aliwan na matatagpuan malapit sa base
ng mga Amerikano, kung saan nagtatrabaho bilang manunugtog ng gitara ang isang
Michael Taylor Jr. o mas kilala sa pangalang “Mike”. Siya ay may maputing balat
at blondeng buhok na nakuha niya sa kanyang amang Amerikano. Alam niya na sa
kabila ng pisikal na kaanyuan, Pilipino ang dugong nananalantay sa kanya na
nagmula naman sa kanyang inang si Lourdes, isang babaeng nagbebenta ng aliw.
Lumilikha rin siya ng mga awiting nasa wikang Filipino na tumutuligsa kung
hindi man nanunukso sa mga marinong Amerikano na nakikinig sa kanya dahil sa
pag-aakalang purong Amerikano ang kumakanta.
Dito
sa lugar na ito ipinakita ng awtor ang sigalot na namuo sa pagitan ng lahing
puti, at kayumanggi sa pamamagitan ng higit na pagpapahalaga ng mga waiter at waitress sa mga dayuhan
kumpara sa mga Pilipinong naroon. Ito ay dahil sa mentalidad na mas mataas ang
halaga ng dolyar kaysa piso ngunit kung susumahin ay pareho lang ang mahalaga
base sa sorbesang binibili. Ito ay nagbubunga ng away ng mga kostumer sa loob
ng bahay-aliwan. Ikinuwento rin sa lugar na ito ang kulturang impormal na
pakikipagrelasyon ni Magdalena, isang babaeng nagbebenta ng aliw at kasama sa
bahay ni Mike, at ni Steve, isang marinong Amerikano na nakadestino sa base.
Hindi mawawala sa kuwento si Modesto, isang Pilipinong may kilalang posisyon sa
base, na laging tumatambay sa Freedom Pad at si Ali, isang baklang nagtatrabaho
rin sa Freedom Pad at karelasyon ni Richard.
Dumaloy
ang kuwento sa pagpuna ni Modesto sa mga gawi ng isang Magdalena kapag nariyan
ang mga Amerikano na ayon sa kanya, masyadong silang nagpapauto sa mga nais
mangyari ng mga dayuhan sa kanilang katawan upang maibsan ang suliranin ng
sikmura’t maging ang suliranin ng kalooban at puso. Ipinakita rin ang istorya
ng pagkahumaling ng mga Pilipino, si Magdalena bilang reperensiya, sa mga statesides goods na ibinebenta lang dito
nang mura dahil patapon na produkto na ito sa Estados Unidos.
Isinalaysay din ang naising ipakilala ni Mike ang
sarili hindi bilang Amerikano kung hindi bilang isang Pilipino dahil sa
pagkainis niya sa mga kilos, isipan, at pag-uugali ng dayuhan. Dahil sa ibang
kulay na taglay, napasok siya sa away ng lahing puti at lahing itim sa
teritoryo ng mga kayumanggi. Sa paraang ito ipinasok ng awtor ang hidwaang mas
magaling ang mga puti at pagtratong alipin sa mga itim.
Tinumbok ng kuwento ang pangunahing suliranin sa
pamamagitan ng pagkukuwento ng buhay ni Modesto sa loob ng base. Si Modesto ay
tinatawag na “Yardbird” ng mga
Amerikano bilang insulto ng paghahalintulad sa mga uwak at maya na tumutuka ng
kahit anong mismis o butil na tira-tira sa loob ng base. Sa kabila nito,
tinitiis niya ang mga alipusta sa kanya at pilit na itinatayo ang winawasak na
dignidad sa oras ng kanyang paglabas sa base. Pinakita sa yugto ng kuwentong
ito ang diskriminasyon sa pagitan ng puti at kayumanggi sa loob ng base.
Nagkaroon ng alitan sa pagitan ni Johnson, isang marinong Amerikano sa loob ng
base, at Modesto. Mas maliit ang sahod ni Modesto kumpara sa mga puting
kapareho niya ng posisyon. Upang ‘di na magreklamo, ibinaba ng Amerikano ang
posisyon ng Pilipino upang tumugma sa sahod na ibinibigay sa kanya. Lalo pang
nagpasidhi ng galit ni Modesto nang malaman ng kanyang anak na si Jun na mali
ang kuwento na respetado ang kanyang ama sa base. Nalaman din niya na tinatawag
na Yardbird ang kanyang ama.
Tumuloy ang kuwento sa kagustuhang bawiin ni Modesto
ang kanyang nasirang dignidad. Sinarili niya muna ang kanyang problema at hindi
nakipag-usap sa kanyang asawa at maging sa matalik niyang kaibigan sa loob ng
base, si William Smith, isang puti sa loob ng base.
Dumating ang araw kung saan punong-puno na si Modesto
kay Johnson nang ipagdikdikan nito ang pagtawag kay Modesto ng Yardbird.
Nagkaroon ng kaguluhan at napatay ng isang Amerikano si Modesto. Naroon si
William na umaawat at tumulong kay Modesto ngunit wala siyang nagawa. Ang
pangyayaring ito ang nagbunsod ng pagbabago sa pananaw at pag-uugali ng iba
pang tauhan. Si Modesto’y hinarap ang mga itim at taas-noong sinabi na Pilipino
siya at kapareho nilang galit sa puti, si Magda na nagkaroon ng panibagong
perspektiba sa mga statesides goods dahil
sa mga pangaral ni Modesto.
Ang sumunod sa kuwento ay nagsalaysay ng mga
pagbabago sa mga karelasyon nina Magdalena at Ali. Nabuntis si Magda at nais
ipalaglag ni Steve ang dinadala nitong sanggol dahil may asawa’t anak ito sa
Estados Unidos. Napatay ni Mike si Steve dahil sa kawalang pagpapahalaga kay
Magda. Ginulpi at halos patayin si Ali ng kanyang karelasyon upang makatakas
dahil pera lang pala ang habol ni Richard sa kanya.
Sa huli, nagkaroon ng diwa ng pagdadamayan sa pagitan
ng mga kayumanggi sa kabila ng kanilang dinanas sa mga dayuhan sa sariling
tinubuang lupa. Wakas.