Pagsusuri: Gapo ni Lualhati Bautista

             
 Isang kakaibang pagsusulat ang ipinamalas ng mga kamay at prosa sa pagsusulat ni Lualhati Bautista. Isinulat niya ang mga kuwento sa loob ng ‘Gapo – isang kahariang itinayo ng mga Amerikano sa lupa ng kanyang mga inaalipin.

            Dito niya ikinuwento ang mga nakatagong paghihinagpis sa bawat babaeng masayang nagsasayaw sa saliw ng makulimlim na liwanag ng mga bahay-aliwan, mga batang may kakaibang pusyaw ng balat at kulay ng buhok ngunit diretso kung magsalita ng Filipino, at ang mga timping damdamin ng mga nagtatrabaho sa base upang mabuhay ang kanilang pamilya. Lahat ng ito’y nangyari noon at siguro ay nilimot na ng karamihan.
            Pero kung kami ang tatanungin, ang usapin dito ay hindi kung napapanahon ba ito o nilimot na, bagkus ay kung ano ang aral na mapupulot ng isang mambabasa sa panahon ng kanyang pagbabasa. Oo, totoo, marahil ay wala na ngang base militar ng mga ‘kano dito sa Pilipinas pero patuloy pa rin tayong nahuhumaling sa mga statesides goods na kahit mahal at kakaiba ang lasa, tinatangkilik pa rin natin kasi may nakalagay na “Made in USA”. Patuloy nating niloloko ang mga sarili natin na mas maganda ang maputi kaysa kayumanggi gayong tipikal na kulay tsokolate naman ang mga balat natin. Ito siguro ang isa sa mga kamandag ng mga titik ni Bautista, ang katangiang makita ang mga sinulat niya na may iba’t ibang aral na itinuturo sa iba’t ibang panahon ng iba’t ibang mambabasa.
            Sa mas malalim (maaari ding kakaiba) na perspektiba, maaaring maging manwal ang librong ito. Manwal ng Pakikipagkaibigan. Dito kasi itinuturo ang karanasan ng isang kinakaibigan (Pilipinas) at ng isang nangangaibigan (Estados Unidos). Dito rin itinuro ang mga palatandaan ng mga kilos ng panloloko sa paggamit ng salitang kaibigan (paggamit ng Estados Unidos ng salitang “bigay o tulong” imbis na “bayad” sa perang ibinibigay nito sa Pilipinas kapalit ng pananatili ng mga base). Ang problema lang ay kung iintindihin ba ng mga gustong pumasok sa pakikipagkaibigan o nasa estado na ng pakikipagkaibigan ang librong ito na nananalisod sa mga taong hindi tumitingin sa kanilang dinaraanan.
            Ginamit din ni Lualhati Bautista ang mga nakapaloob na kuwento upang ipaliwanag ang mga kulturang kinagisnan ng mga Amerikano na nagbibigay-linaw kung bakit ganoon ang asal nila. Halimbawa, ang pakikipagrelasyon nila sa mga Pilipina kahit may asawa’t anak sila sa Estados Unidos ay ekstensiyon lamang ng kanluraning kultura kung saan maaari ang isang isang relasyon na katawan lang ang ibinibigay at hindi maging ang puso. Sinabi niya na kung may mali sa relasyong iyon, ito ay ang Pilipina na naniniwala sa mabulaklak na mga salita ng mga ‘kano sa kanila gayong alam niya ang kalagayan ng isa’t isa.
            Gumamit din siya ng mga salitang pabitin. Ito ang mga salitang nagbibigay ng gana sa mga mambabasa na sulyapan ang susunod na kabanata dahil hindi buo ang isa kung wala ang isa. Ito ‘yung karaniwang naratibo ng kuwento na ang kaunawaan ng mga sinulat ay wala sa mga parte nito kundi nasa kabuuan mismo. Ito ay may ekstensiyon ng isang kabanata mula sa nakaraang kabanata na may halong pataas na pataas na damdamin patungo sa klaymaks hanggang sa wakas.
Maraming bagay ang kapansin-pansin sa kanyang likha kagaya na lamang ng paggamit ng arko na may nakasaad na “To the Lasting Friendship of Two Great Nations” habang sa ibaba nito ay may mga tauhang nagkukuwentuhan paukol sa mga kaguluhan, masamang dinanas, at panlilinlang ng mga Amerikano sa mga Pilipino. Ang balighong kaganapang ito ay pumupukpok sa kamalayan natin na may mali sa lipunang nakikita mo ngayon.

            Kaya’t inaanyayahan ko ang mga makabagong mambabasa na pinaratangang pilibustero ng kanilang panahon na balikan ang nakasanayan at nakagawian dati na paraan ng pagkukuwento upang maintindihan ang mga isinisigaw sa kanila ng mga hari sa larangan ng akademya.