Ito’y sequel ng librong Ligo na U Lapit na Me at
prequel ng librong It’s not that Complicated: Bakit Hindi pa sasakupin ng mga
Alien ang daigdig sa 2012. Kung tutuusin, paningit ang librong ito sa
pagkukuwento ng kuwentong romansa na nakapaloob sa pagkatao ni Intoy o Karl
Vlademir Villalobos ngunit higit pa sa paningit, pampahaba, o panggulo ang
nagawa nito.
Ipinakilala sa librong ito ang
pinagmulan ng pagiging palatanong ni Intoy sa lahat ng bagay na pwede niyang
punahin o mas tamang sabihin na bumabagabag sa kaniyang pang-araw-araw na
kalooban. Nagsimula at dumaloy ang kuwento sa panghihimasok ng pangunahing
tauhan (Intoy) sa pusod ng kalunsuran bilang pagsunod sa idinidikta ng lipunan
na pagiging kabahagi nito. Dito niya pinuna ang sobrang bigat na trapik, mga
street sign para sa mga walang natutunan, kalbaryo ng mga aplikante,
panggagantso ng mga naghahari-hariang uri na bumuo sa konsepto ng
komersiyalismo, at ang walang-kamatayang sining ng pagpapakalat ng
kaniya-kaniyang doktrinang panrelihiyon sa tao. At mula sa pinaghalo-halong
likido ng mga opinyon at daluyong ng mga impormasyong ito, nabuo ang unang
bahagi ng aklat.
Ang ikalawang yugto ng aklat ay
naglalaman ng ‘sinasabing’ mga maiikling kuwentong ‘di dapat paniwalaan. Ito ay
marahil sa kakaibang konsepto na babatikusin (kung hindi man itatakwil) ng mga
taong ‘di lubos na nauunawaan ang nais niyang iparating dahil hindi pa gaanong
naipapakilala ang bagong konseptong iba sa itinuturo sa eskuwelahan. Ibinulalas
niya rito ang mga maiikling kuwentong ‘di maisulat ng henerasyong ito dahil sa
takot na paratangang pilibustero ng mga dambuhalang institusiyong sila-sila
lamang ang nakakaalam ng tama o mali sa lahat ng bagay. Ilan sa mga patok na
maikling kwento ay “Ang Umari sa Puso ni Simang Aswang” at “Si Intoy Syokoy ng
Kalye Marino”.
Isang kakaibang istilo ang ipinakilala ni Eros Atalia sa kaniyang akda – ang paghahain ng pangit na kuwento sa simula bilang reperensiya ng mga susunod na kuwento upang umangat ang estado nito. Oo, totoo ang kaniyang mga puna sa mga elitistang bumuo ng klase ng mundong ginagalawan natin ngayon hanggang sa kabuuang karanasan ng isang aplikante sa gitna ng lugar ng kaniyang amo. Pero kung ikukuwento nito ang lahat ng nangyari (ikuwento ba naman ang kaniyang ulam kagabi hanggang sa pagiging dumi nito) hanggang sa kaliit-liitang impormasyong maibabato nito sa mambabasa, magtataka ka kung isang genre ng literatura ba ang binabasa mo o isang sulating isinulat ng isang pilosopong tambay sa kanto. Pagkatapos madismaya sa kakaibang bato ng mga nahuhuling letra ang mambabasa, hihikayatin nitong tapusin ang libro bilang tugon sa gastos na inilagak ng mambabasa sa libro niya; at dito na nagsisimula ang mga pang-Palanca award na kuwento niya. Ikinuwento niya ang isang kuwento ng ‘di napapansing buhay ng mga magtatahong at ang mundo ng romansa sa paraang matipid ngunit kompletong impormasyon. Ito’y ibang-iba sa naunang kuwento. Dito niya isinaad ang pagpaparamdam ng kabuuan ng kwento sa limitadong paggamit ng mga salita.
Dito rin papasok ang itinatagong
bala ng kamandag ng mga titik ni Eros, ang pagpapakilala ng ‘disbelief’ natin
sa mga kuwentong taliwas sa ating nakasanayang katotohanan. Hindi natin
sinasang-ayunan at tinatawag na baligho ang mga kakatwang bagay at pangyayaring
hindi tugma sa nakagisnang katotohanan kahit pa na tama naman ang nakasaad
dito. Kagaya na lamang ng mga kakaibang suhestiyon niya sa mga walang bahay –
ang patagin ang lahat ng kabundukan at itambak sa mga patay na ilog at estero
para sa mga mahihirap, natapos na ang illegal logging (dahil wala nang punong
puputulin) at ang ilang dekadang insureksiyon sa mga kabundukan. Mula sa ibang
perspektiba, ito ay maituturing na naising pagpapatawa ng awtor dahil isang
fiction ang kaniyang isinusulat. Kung susumahin, baligho talaga ang mga
argumentong ito pero sa mga makabagong tao na alam ang pinagkaiba ng totoo at
totoong nagsisinungaling, isang nakatago o nilimot na sining ng pagsusulat ang
inihain ni Eros S. Atalia.