Isang kamangha-manghang obra ang isinulat ni Edgardo
Reyes sa librong ito dahil gumamit siya ng adbentura upang mahikayat ang mga
mambabasa na basahin ang isang kuwentong hindi kailanman gustong salaysayin ng
mga manunulat na takot sa maaari nilang kahinatnan sa gagawin nila. Ito’y isang
eksklusibong kuwento na naghahamon ng rebolusyon sa mga natutulog at nahilik na
sangay ng gobyerno na pakialamanan ang mga gawain ng mga libong taong gumahasa
at lumapastangan hindi lamang sa birheng kagubatan kundi maging sa dignidad at
pagkatao ng maraming nilalang. Marami siyang ikinuwento base sa aktwal na
nakita niya sa lugar na iyon.
Prostitusyon,
ilegal na droga, talamak na patayan, garapalang siraan sa pulitika – lahat ‘yan
ay halos pangkaraniwan na sa isang ordinaryong Pilipino na palaging nanonood ng
balita. Likas na nga yata sa tao na may bahagi siya sa kanyang kakayahan na
mang-abuso, pumatay, mangtortyur, o sundin ang hilig ng katawan sa mga
makamundong gawain. Ngunit kung ilalagay ang mga bagay na iyan sa isang
espesipikong lugar, tulad ng Diwalwal, magbabago ang pananaw ng isang sumusuri
rito.
Nakatali
ang pag-iisip ng tao sa kagustuhang masustentuhan ang pangangailangan niya
hindi lamang sa pang-araw-araw kundi pati na rin sa susunod pa. Nakatali naman
ang mga pangangailangang ito sa kapasidad na magbayad ng taong nangangailangan
nito. Ngayon, upang matugunan ang pangangailangan, hahanap ang tao ng gawaing
makapagbibigay sa kanya ng pambayad dito at natural naman na paghihirapan niya
iyon bago niya makamit. Paano kung magkaroon ng isang lugar na kaunting kilos
mo lang, masasagot na ang pangangailangan ng pangangailangan mo? Ito ang nangyari
sa Diwalwal. Inunahan ng survival
instinct ng tao ang kanyang kapasidad na makapag-isip ng tama upang iligtas
ang sarili sa paghahanap ng ipambabayad sa pangangailangan niya. Survival instinct na ng tao na gagawin
ang anumang paraan para magkaroon ng pambayad-pangangailangan para mabuhay. Survival instinct na ng tao na lumaban
dahil kung hindi siya papatay, siya ang mapapatay; parang batas ng agham – survival of the fittest.
Sa
kabilang banda, sumobra naman ito na pati bisyo at sugal ay iniaasa na sa
ginto. Binangga na nito ang batas ng tao at maging ang karapatang pantao.
Masyado nang naging gahaman na matapos masiguro ang sariling kapakanan ay humiling
pa ng panibagong pambayad na sana ay para sa iba naman.
Sa
ibang pananaw, ang kuwentong ito ay ‘di na napapanahon sapagkat nasolusyonan na
(ata) ng gobyerno ang problemang ito. Naipasara na at ipinagbawal na rin ang
pagmimina dahil sa dulot na pagkasira sa kalikasan at sa tao. Ang kuwentong
Diwalwal na ito ay makatotohanan sapagkat ito ay hango sa aktwal na karanasan
ng manunulat. Ito pa nga ang naging inspirasyon para isilang ang mundo ni Dante
(tauhan sa nobela). Gumamit din ang may-akda ng mga salitang tipikal na
ginagamit sa lugar ng kuwento kaya nangangailangan ito ng pagpapaliwanag na
ginawa naman ng manunulat.
Kung
babaguhin ko ang wakas ng kuwento, isasalaysay ko ang kinahinatnan ng Diwalwal
pagkatapos umalis nina Dante at Ilay sa lugar na iyon. Ilalahad ko kung may nangyari
o naresolba sa mga tinagong pagpatay, nalaman ba ng mga kamag-anak na nalibing
ng buhay ang kanilang mahal sa buhay sa tinaguriang bundok ng ginto. Ngunit
kontento na ako sa kinatapusan ng kuwento dahil ang layunin naman ng manunulat
ay ihayag ang mga maling interpretasyon ng midya sa Diwalwal na nagpapagulo ng
persepsiyon ng karamihan.