Noli Me Tangere - Buod ng Kabanata 44: "Pagsusuri ng Budhi"

 Nagsisimula ang kabanata sa patuloy na pagdanas ni Maria Clara ng mataas na lagnat. Tuwing siya ay nagdedeliryo, binabanggit niya ang pangalan ng kanyang ina. Patuloy siyang inaalagaan ng kanyang Tiya Isabel at mga kaibigan nito, samantalang si Kapitan Tiyago naman ay walang tigil na nagpapamisa at nag-aabuloy. Nagbigay rin siya ng tungkod na ginto sa Birhen ng Antipolo bilang huling paraan ng pagsisikap na mapagaling ang kanyang anak.

Makaraan ang ilang araw ng pag-inom ng gamot na inireseta ni Don Tiburcio, unti-unti namang humupa ang lagnat ni Maria Clara. Ito ay ikinatuwa ng mag-asawang Don Tiburcio at Donya Victorina, kaya hindi muna pinagdiskitahan ng Donya si Don Tiburcio.

Napag-usapan nina Padre Salvi, Kapitan Tiyago, at mag-asawang EspadaƱa ang nalalapit na paglipat ni Padre Damaso sa parokya ng Tayabas. Ani Kapitan Tiyago, ikalulungkot umano ni Maria ang pagkakalipat na ito dahil para na rin si Padre Damaso ang ama niya. Sinabi pa ni Kapitan Tiyago na ang mga kaguluhan sa naganap noong gabi ng pista ang dahilan ng pagkakasakit ni Maria Clara.

Natutuwa naman si Padre Salvi na hindi nagkita sina Ibarra at Maria Clara dahil gumaling na ito. Tinutulan ito ni Donya Victorina at sinabing ang paggaling ni Maria Clara ay bunga ng panggagamot ni Don Tiburcio. Hindi naman pumayag ang pari at sinabing mas nakagagaling ang malinis na budhi kaysa sa mga gamot.

Dahil sa kapikunan ni Donya Victorina, iminungkahi niya na gamutin ng kanyang kumpisal ang kanyang kaaway na si Donya Consolacion. Hindi na sumagot ang pari sa kanyang kahilingan, kaya't tinagubilinan na lamang niya si Kapitan Tiyago na ihanda si Maria para sa pangungumpisal. Ipinabigay rin niya ang beatico upang gamutin si Maria nang lubusan.

Nagsimula ang pangungumpisal ni Maria. Napansin ng kanyang Tiya Isabel na tila hindi nakikinig si Padre Salvi sa sinasabi ni Maria Clara at tila iniisip ang kahit ano sa kanyang isipan. Matapos ang kumpisal, lumabas si Padre Salvi na nakapangunot noo, namumutla, pawisan, at kagat-labi.