Sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere, pumunta si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng payo ukol sa kanyang plano na itatag ang isang paaralan. Bagaman abala si Pilosopo Tasyo sa kanyang mga gawain, napansin pa rin niya ang binatang si Ibarra at inanyayahan niya ito na pumasok.
Sa kanilang pag-uusap, ibinahagi ni
Pilosopo Tasyo na sa kasalukuyan ay wala pang makauunawa sa kanyang isinusulat
dahil sa mga susunod na henerasyon pa raw ito maiintindihan. Sinabi pa niya na
wala nang takip sa mga mata ng mga susunod na salinlahi at mulat na sila sa mga
nangyayari sa lipunan.
Nagpahayag naman si Ibarra na kahit
siya ay ipinanganak at lumaki sa lugar na iyon, nararamdaman pa rin niya ang
hindi pagtanggap ng mga tao sa kanya bilang isang dayuhan. Ito ang dahilan kung
bakit humingi siya ng payo kay Pilosopo Tasyo, dahil kilala ito ng mga tao.
Ngunit nilabanan siya ni Pilosopo
Tasyo at inirekomenda na kumunsulta si Ibarra sa mga taong kinikilala sa
lipunan tulad ng mga kura. Naniniwala si Pilosopo Tasyo na ang kapangyarihan ng
Simbahan ay mas mataas pa kaysa sa pamahalaan at kailangan ni Ibarra na lumuhod
sa mga nasa kapangyarihan kung gusto niyang magtagumpay sa kanyang mga plano.
Ngunit hindi pumayag si Ibarra dahil
naniniwala siya na ang matuwid na layunin ay hindi kailangang balutan ng
baluktot na gawain. Buong puso siyang naniniwala na susuportahan siya ng
pamahalaan at ng mga tao sa bayan dahil ang kanyang mga plano ay para sa
kabutihan ng lahat.
Ngunit hindi na-makumbinsi ni
Pilosopo Tasyo si Ibarra dahil ang mga prinsipyong ito ay hindi pa tinatanggap
ng Simbahan na may kontrol sa lahat ng aspeto ng buhay ng mga tao sa kanilang
nasasakupan. Ginamit ni Pilosopo Tasyo ang halimbawa ng mga halaman na sumusunod
sa hangin upang ipaliwanag ang kanyang punto.
Sa huli, binigyan ng inspirasyon ni
Pilosopo Tasyo si Ibarra na kahit hindi niya makamit ang kanyang mga balak,
mayroon pa rin siyang maaaring magtuloy ng kanyang nasimulang gawain. Matapos
ang kanilang pag-uusap, nagpaalam na si Ibarra kay Pilosopo Tasyo.