Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere, ipinakita ang bisperas ng pista sa San Diego tuwing ika-sampu ng Nobyembre. Lahat ay handa na sa pagdiriwang, kung saan ang mga bahay ay nakadecorate na ng mga pinakagarbong palamuti, kurtina, at mga minana at antigong kagamitan.
Nagkakainan ang mga mayayaman sa mga
hapag-kainan na puno ng iba't ibang masasarap na putahe, kakanin, at mamahaling
mga alak mula sa Europa. Nagpapaputok ng mga kwitis, nagbubatingaw ng kampana,
at tumutugtog ang mga banda ng musiko. Ang plasa ng San Diego ay pinalamutian
ng arkong kawayan at nilagyan ng mga tolda para sa prusisyon.
Mayroon ding mga tanghalan para sa
komedya at iba pang palatuntunan. Kasama sa kasayahan ang mga mayayaman tulad
nina Kapitan Tiyago, Kapitan Joaquin, at ang intsik na si Carlos. Ngunit sa
kabila ng mga selebrasyon, nagmimisa si Padre Damaso sa umaga.
Sa panig ni Ibarra, tinatapos na ang
bahay-paaralan na kanyang pinapagawa malapit sa kanyang tahanan, sa tulong ni
Nol Juan. Ginagastusan ni Ibarra ang lahat ng gastusin para dito at tinanggihan
niya ang alok na tulong ng mga mayayaman at pari.
Ang bahay-paaralan na ito ay
katumbas ng mga paaralan sa Europa, kung saan hiwalay ang mga babae at lalaki.
Mayroon ding lugar para sa pagtatanim ng puno at gulay, pati na rin bodega at
silid pang-disiplina para sa mga batang mag-aaral. Bagama't marami ang humanga
kay Ibarra sa ginawa niya, mayroon din siyang palihim na mga kaaway.