Nang dumating si Basilio sa kanilang bahay, siya ay duguan dahil sa paghabol sa kanya ng mga gwardiya sibil na siyang dahilan ng tama niya sa ulo. Sa takot na maikulong at malunasan sa kuwartel, hindi na siya huminto sa paglalakad. Ipinakiusap niya sa kanyang ina na sabihing nahulog na lamang siya sa puno kaysa ipagtapat ang totoong nangyari.
Nalaman ni Sisa na si Crispin ang
napagbintangan na magnakaw ng dalawang onsa. Nalungkot ang puso ng ina sa
kalagayan ng kanyang bunso. Ngunit hindi sinabi ni Basilio ang tunay na parusa
na ipinapataw sa kapatid ng sakristan mayor at pari. Nawalan na rin siya ng
gana sa pagkain dahil sa kalagayan ng ina, lalo na nang malaman niya na
dumating ang kanyang ama.
Alam ni Basilio ang karahasan na
ginagawa ng kanyang ama sa kanyang ina tuwing umuuwi ito sa kanilang bahay,
kaya nagsalita siya ng galit, sinabing mas mabuti pang mawala na ang kanyang
ama at mabuhay na lamang sila tatlo. Ito ay ikinahapis ng kanyang ina, na sa
kabila ng mga pagkukulang ng asawa, nais pa rin niyang maging sama-sama sila.
Sa kabila ng kanyang mga pangarap,
nagkaroon ng bangungot si Basilio sa gitna ng kanyang pagtulog. Sa panaginip
niya, nakita niya ang kura at sakristan mayor na nagbugbog kay Crispin, pinalo
nila ito ng yantok sa ulo hanggang sa duguang humandusay sa sahig.
Nagising si Basilio sa yugyog ng
kanyang ina at sa halip na sabihin ang totoong laman ng kanyang panaginip,
sinabi niya na lamang ang mga pangarap niya para sa kanyang ina at kapatid.
Nais ni Basilio na huminto na sila sa pagiging sakristan ni Crispin at
magpapastol na lamang siya ng mga hayop na pag-aari ni Ibarra. Kapag naging
sapat na ang kanyang edad na magsaka sa bukid, hihiling siya ng sariling lupa
para sa pagsasaka.
Plano ni Basilio na palaguin ang
kanilang pamumuhay at kapag umunlad na ito, ipapaaral niya ang kanyang kapatid
kay Pilosopo Tasyo. Ngunit sa kabila ng tuwa ng ina sa mga pangarap ng anak,
nasaktan siya dahil hindi isinama ni Basilio ang kanyang ama sa mga plano.