Desaparesidos – ito ay mga salita na ang kahulugan ay
“Disappeared People” sa lenggwaheng Ingles. Isang matinik na putahe ang
isinulat ni Ginang Lualhati Bautista sa kanyang akda. Matinik sa ekspresyong
nakasusugat ito sa parehong panig na kinasasangkutan ng kuwento; ang gobyerno
na pilit ibinabaon sa limot ang nakaraang baho upang muling pagkatiwalaan ng
sambayanan at ang mga makakaliwa, tulisan, NPA, aktibista o anomang katawagan sa
mga taong tinortyur, pinahirapan, pinagsamantalahan, ginahasa, at nilapastangan
ng rehimeng Marcos at ng kanyang diktaturya.
Isang
matapang na paglalahad ng mga natatagong kuwento sa paraang masining ang obrang
ito ni Bautista. Sa pagkukuwento ng ganitong karanasan, kailangan ng isang
manunulat na magbaon ng sapat na tapang dahil binabangga niya ang nagmamalinis
na diktaturya – ang rehimeng ugat ng mga pagkakautang at dinaranas na hirap ng
Pilipinas hanggang ngayon. Siya ang Rizal ng Martial Law sa paraang pag-aaklas sa naghahari-hariang iilan sa
pamamagitan ng pagsusulat ng kuwento ng kanilang inapi.
Ang
nobelang ito ay isa ring patotoo na may mali sa pamamalakad ng rehimeng Marcos.
Marami ang nagsasabi na halos pantay ang halaga ng piso at dolyar, mas kakaunti
ang krimen at karahasan, maraming naipatayong istruktura’t gusali noong panahon
ng diktaturya. Halos mabago na ang pananaw ng mga kabataan kapag sinabing
Marcos. Huwag nating kaligtaan na utang lamang ang mga ito at hanggang sa
ngayon ay binabayaran pa rin natin, na kontrolado ng pangulo ang mga istasyon
ng midya kaya parang payapa ang Pilipinas, at bagsak ang piso kontra dolyar
matapos ang rehimeng Marcos.
Hindi
na napapanahon ang kuwentong ito kagaya ng paglimot ng mga kabataan sa Edsa Revolution. Unti-unti na ring
namamatay ang mga matataas na heneral at mga sundalong nasa unahan ng eksena ng
Martial Law. Pero kung titignan sa
ibang pananaw, ang kuwentong ito ay sumasalamin sa parte ng kasaysayan na hindi
nangangailangan ng tamang panahon upang paglaan ng diskurso. Na sa kabila ng
pagwawalang-bahala ng iilan sa sakit ng lipunan, umuusbong ang mga ‘di-kilalang
mga bayani na tutuligsa sa mga ‘di pinapansin.
Sa
kabilang banda, kahanga-hanga ang paglalahad ni Bautista sa kanyang isinulat.
Binigyang-diin niya ang mga hirap na dinanas ng mga tauhan sa kanyang nobela sa
pamamagitan ng pagbibigay ng konkretong larawan ng paghihinagpis ng isang ina
na nawalan ng isang anak at isang lalaki na nawalan ng isang buong pamilya. Ito’y
kanyang ginawa sa paraang pagsusulat ng naaangkop na salita upang magbigay ng
damdamin sa kuwento. Hinayaan niya ring dumaloy ang mga natural na salita (kagaya
ng pagmumura at malalaswang salita) sa kanyang nobela upang ipakita ang
katotohanan ng bawat sandali sa likod ng bawat pagtangis ng mga tauhan.
Ang
mga ganitong nobela ay ‘di na kinakailangan pang hingan ng kakatwa o
eksaheradang wakas na kagaya ng hinihingi ng mga taga-akademya sapagkat ito ay
hango sa tunay na buhay. Mawawala ang mahahalagang diwa nito maging ang tunay
na kuwento kung hindi tatapusin sa kawalang kasagutan sa mga nangyaring ito
mula sa gobyerno.
Dahil
marami na ang nakakalimot sa ginawa ng rehimeng Marcos, inaanyayahan ko ang mga
kabataang nagsasabi na si Ferdinand Marcos ang kanilang “The greatest president we never had” na basahin, pagnilay-nilayan,
at simulan ng isang makabuluhang dayalogo ang nobelang ito.