Ang librong Diwalwal (Bundok ng Ginto), isang
nobelang isinatitik ni Edgardo M. Reyes, ay isang akdang bumabagtas sa tunay na
anyo at maging sa mga tahimik o napilitang tumahimik na kuwento ng mga tao na
nakipagsapalaran sa kilalang bundok ng ginto sa Davao del Norte. Noong
kasibulan pa lamang ng pagkakatuklas (1983-1986), tinatayang 80,000 hanggang
100,000 katao na ang naninirahan dito upang maghanap ng trabaho, makapagtago sa
batas, o makapaghakot ng limpak-limpak na ginto sa naturang bundok. Sa ngayon,
ito ay ipinasara na ng gobyerno dahil sa malawakang pinsala na naidulot ng tao
sa lugar na ito.
Nagsimula ang kuwento sa tipikal na naratibong
pagkukuwento sa pakikipagsapalaran ni Dante, isang ordinaryong binata na
lumisan sa Basilan, upang hanapin at magpatulong kay Anong, kanyang kababata na
nagtatrabaho ngayon sa Diwalwal, sa paghahanap ng mapagkakakitaan. Habang
binabagtas niya ang matarik na bundok patungo sa Diwalwal, nakasabay niya si
Mang Openg, isang barbero sa Diwalwal. Napagkuwentuhan nila ang hitsura ng
Diwalwal partikular ang nagkalat na mercury sa landas na kanilang tinatahak na
nanggaling sa mga planta ng pagpoproseso ng ginto, sobrang populasyon kahit na
nasa itaas ito ng bundok, buhay na komersiyalismo dahil sa presensya ng ginto
at tao, at ang naghaharing batas na sinusunod ng lahat - bala at baril. Dito,
kanya-kanya ng tunnel o butas ng pagmiminahan ang mga korpo o grupo ng mga
minero na may iisang organisasyong kinabibilangan. Narito rin ang maituturing
na pinakamaraming magkakadikit na bahay-sambahan ng iba't ibang sekta ng iba't
ibang relihiyon. Sa itaas na naghiwalay ang dalawang tauhan. Ang isa'y
dumeretso sa kanyang barberya at ang isa nama'y tumuloy sa hinahanap na
kababata.
Dahil hindi mahagilap ang hinahanap, nagtungo si
Dante sa barberya ni Mang Openg at doon ay nakilala niya si Yoyoy, isang
trabahador sa minahan ng ginto, na magbibigay sa kanya ng pansamantalang
trabaho. Sa kanyang napasukang trabaho, bilang isang kargador ng mga gold ore,
namulat siya sa mga sistemang nakapaloob sa mga minahan dito. Ilan sa mga ito
ang kawalang pansin sa tibay ng mga istruktura ng mga binubutas na tunnel,
agawan sa pwesto ng pagmiminahan na nauuwi sa patayan, at kawalan ng maayos na
kagamitan ng mga maliliit na minero. Matapos maranasan ang buhay ng pagmimina
sa Diwalwal, inilarawan naman ang buhay ng Diwalwal sa pagkagat ng dilim.
Kagaya ng mga lugar sa kalunsuran, buhay na buhay ang mga bahay aliwan, disco,
ihaw-haw, at maging ang mga Betamovie (sinehan) at mga tindahan na may videoke.
Nang makauwi na si Dante sa bahay-tuluyan ni Yoyoy,
nakilala niya si Agor. Si Agor ay isang runner o utusan ni Yoyoy. Siya ay may
taglay na sakit sa balat dulot ng kontaminasyon sa mercury. Noon, nagtatrabaho
sa rod mill o planta ng pagpoproseso ng ginto bilang "tagapagluto".
Sa trabahong ito, siya kasama ang iba pang nagtatrabaho doon ay may direktang
kontak sa mercury at iba pang nakalalasong kemikal sa pagpoproseso ng gold ore.
Mas madali kasing maihiwalay ang gold dust kung gagamitan ng mercury. Dahil
hindi naman nawawala ang mercury pagkatapos gamitin, ito ay iniimbak na lamang
sa mga hukay malapit sa planta na kapag umulan ay aapaw at dederetso sa Naboc
River, isa sa pangunahing ilog sa paanan ng Bundok Diwata. Sa ilog na ito
kumukuha ng tubig panlaba at pampaligo ang mga katutubong naninirahan doon. Ito
rin ay dumadaloy bilang patubig sa malawak na plantasyon ng saging sa Davao.
Ang kuwento ni Agor ay nagsisilbing representasyon ng malawakang epekto ng
minahan ng ginto sa tao at kapaligiran.
Dahil sa marami ang nagkakainteres sa ginto at baril
ang umiiral na batas, nagkakaroon din ng mga grupong nananakot upang makapagnakaw
sa mga nagtatrabaho dito. Isa na rito ang paglabas ng "lost command"
napinamumunuan ni Barabas. Ayon sa ilan, ito raw ay mga dating miyembro ng
militar na tumiwalag. Ayon naman sa iba, ito raw ay tumiwalag na miyembro ng
MNLF na pinamumunuan ni Misuari. Ang grupong ito ay humihingi ng
"takal" o bayad sa lahat ng negosyo dahil sa, ayon sa kanila,
binibigay na proteksyon laban sa NPA at mga holdaper. Nagkakaroon din ng agawan
sa tunnel kung saan lakas ng armas ang mga nag-uusap. Dahil sa higpit, may
lumitaw na grupo gaya ng Denobo at Sentinel upang lumaban sa lost command. Dito
napapatunayan na ang may hawak ng mas malakas na baril, mas makapangyarihan.
Dahil sa nagkalat na relihiyon sa lugar na ito, 'di
mawawala ang mga kanya-kanyang sugo ng relihiyon upang manghingi ng abuloy.
Nang minsang maparaan si Dante sa isang mataong lugar, napansin niya si Ilay,
isang dalagang mestisang Manobo, na tumutulong sa isang nanghihingi ng abuloy
para sa kanilang iglesia. Sa senaryong ito, halata na napipilitan lamang si
Ilay sa kanyang ginagawa. Nang madali at gumulong sa harapan ni Dante ang
lagayan ng abuloy ni Ilay, nagkaroon sila ng saglit na sulyapan at timping
ngitian.
Isang araw, habang nagtatrabaho si Dante sa tunnel
nila Yoyoy, biglang nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari. Nagkaroon ng
"bardown" o pagguho ng bahagi ng tunnel sa lugar nila. Pangkaraniwan
na ang ganitong tagpo sa Diwalwal kung saan maraming nalilibing ng buhay.
Minsan, 'di na nila pinagkakaabalahang kuhanin ang mga natatabunan sapagkat wala
namang pagamutan doon kaya't nakakakita sila ng mga kalansay ng tao sa mga
gumuhong tunnel. Minamanipula nila ang mga datos sa midya dahil kapag nalamang
maraming namamatay sa Diwalwal, makikialam na ang gobyerno - bagay na ayaw
nilang mangyari.
Dahil sa pagkakaroon ng mga grupo kagaya ng lost
command, 'di maiiwasan ang pagkakaroon ng holdapan sa mga bentahan ng ginto.
Minsang pagkagaling nina Dante, Yoyoy, at dalawa pang mga kasama mula planta,
nagtungo sila sa bentahan ng ginto. Dito nakasagupa nila ang 3 nakabonet na
armadong kalalakihan at kinukuha ang perang naipapalit nila sa ginto at ang
mismong ginto na nasa bentahan na ng ginto. Nanlaban si Dante at napatay nila
ang mga armadong kalalakihan. Sa tagpong ito nakita niya ang kanyang kababata
na si Anong na nakikiusyoso sa nangyari.
Nagtatrabaho si Anong o mas kilala sa tawag doon na
"Emil" sa Richmont area - pinakamalaking lupon ng mga minero na hawak
ni Major Tullo. Sila ang nakaagaw ng maraming tunnel noong simula pa lamang
natutuklasan ang mga ginto. Dahil dito'y sangkaterba ang mga sekyuriti na
nagtatanod sa lugar at maging sa kanilang amo. Ang lugar na ito ay mayroong
makabagong kagamitan at naglalakihang payloader na sapat sa laki ng kanilang
operasyon. Isang sa may pinakamataas na pwesto sa larangan ng seguridad si Emil
at niyaya si Dante na doon na magtrabaho. Tinanggihan muna niya ang alok dahil
sa kahihiyan kung aalis siya bigla-bigla kay Yoyoy.
Dahil walang masyadong kontrol ang otoridad sa lugar
na ito, laganap ang mga kriminal na nagpapalit lang ng pangalan upang
makapagtago at makapaghanapbuhay sa Diwalwal. Nang minsang magyaya si Yoyoy kay
Dante na manonood ng pelikula sa Betamovie, may nakapagturo sa Yoyoy sa mga
otoridad at napatay nang tumalon sa isang bangin. Si Yoyoy o Jess sa tunay na
pangalan ay nakapatay ng kilalang tao sa kanilang lugar. May nakapatong
namalaking halaga sa ulo niya. Matapos ang insidenteng ito, napag-alaman niya
kay Mang Openg na ibinenta si Ilay kay Gil - anak ni Major Tullo na
nagmamay-ari ng Richmont Area.
‘Di na nag-atubili pa si Dante na tanggapin ang alok
ni Emil sa kanya upang malaman ang kalagayan ng kanyang kaibigan sa turing
niya. Dito ay naging isang alalay siya ni Emil. Utasan siya sa mga nais ipagawa
nito kagaya ng pagrelyebo sa kanya sa panghuhuli ng mga tatamad-tamad sa
trabaho at pagbabantay sa magdamag. Minsan, sa trabahong ito nakita ni Dante si
Ilay na nakasakay sa mamahaling jeep kasama si Gil. Nababakas ni Dante ang
kakaibang hirap na nararanasan ni Ilay sa kanyang kalagayan.
Isang araw, naikuwento ni Salazar, may-ari ng
hinoldap na gold store na nagkataong naroon din sina Dante at ang kanyang mga
kasamahan, kay Gil ang tikas ni Dante sa pakikipaglaban na ginatungan pa ni
Emil bilang hepe ng seguridad sa Richmont. Ipinatawag at kinuha niya si Dante
bilang pansamantalang house guard sa bahay ng Tullo. Dito, nagkaroon ng
pagkakataong makapag-usap sina Dante at Ilay kung saan hiniling ni Ilay na
itakas siya nito. Pinakita pa ni Ilay ang plano nito at mga daraanang lugar ng
pagtakas ngunit nagdadalawang-isip si Dante dahil kailangan nila ng magandang
tiyempo para magawa ito.
Lumipas ang mga araw, nabalitaan ni Dante na
pinagbabaril ang tinutuluyang bahay ni Emil. Nakaligtas naman si Emil dahil
napagkamalang si Emil ang katulong na natutulog sa kama nito. Sa panahon ding
ito ay tapos na ang pasubok na kontrata ni Gil kay Dante bilang house guard.
Hinanap niya kaagad si Emil gamit ang mga taong may lihim na koneksyon kay
Emil. Natunton naman niya ito sa isang abandonadong tunnel. Dinadalhan lamang
siya dito ng mga mapagkakatiwalaan niya ng pagkain. Nalaman ni Dante na
maraming may galit at inggit kay Emil dahil sa asta at trabaho nito. Matapos
magpalipas ng gabi, tinambangan naman sila sa mismong sinisilungang tunnel at
tinamaan ng bala si Emil. Nakatakas pa sila sa pamamagitan ng pagdaan sa loob
ng abandonadong tunnel na tagos sa kabilang likod ngunit 'di na ito kinaya ni
Emil at namatay na rin.
Nang araw ding iyon, nag-empake at pumuslit siya sa
Richmont area upang puntahan si Ilay. Dahil doon siya nagtatrabaho, kabisado na
niya ang bawat lugar sa malawak na lugar na iyon at mabilis na natunton ang
bahay ng mga Tullo. Tinawag niya si Ilay at pinag-empake para sa gagawing
pagtakas. Nakatakas sila sa pamamagitan ng pagdaan sa mabanging likod ng
Richmont area kung saan walang bantay. Wakas.