Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere, maagang nagising sina Maria Clara at Tiya Isabel upang magsimba. Pagkatapos mag-almusal, nagkanya-kanya sila ng gawain sa bahay. Si Tiya Isabel ay naglinis ng bahay dahil sa mga kalat mula sa hapunan ng nakaraang gabi, samantalang si Kapitan Tiyago ay nagbuklat ng mga kasulatan tungkol sa kabuhayan. Si Maria Clara naman ay nanahi at kausap ang kanyang ama, na hindi mapakali dahil sa pananabik na makita si Ibarra sa araw na iyon.
Nagpasya ang dalawa na magbakasyon
sa San Diego dahil malapit na ang pista doon. Maya-maya pa'y dumating si Ibarra
at hindi maikakailang nataranta si Maria Clara. Pumasok pa siya sa kanyang
silid at tinulungan ng Tiya Isabel na ayusin ang sarili. Lumabas rin ang dalaga
at nagkita ang dalawa sa bulwagan, kung saan nagkaroon ng kaligayahan sa
kanilang mga mata nang magtama ang kanilang paningin.
Upang makapag-usap nang mas pribado
at makaiwas sa alikabok mula sa pagwawalis ni Tiya Isabel, nagtungo ang dalawa
sa Asotea. Doon sila nag-usap nang masinsinan tungkol sa kanilang mga
nararamdaman at sa mga sinumpaan nila sa isa't isa. Binalikan nila ang mga
ala-ala ng kanilang kabataan, ang mga tampuhan at ang mabilis na pagbabati.
Ipinakita rin ng dalawa ang mga
ala-ala at mga bagay na ibinigay nila sa isa't isa. Ipinaalala ni Maria Clara
ang dahon ng sambong na inilagay niya sa sumbrero ni Ibarra upang hindi ito
mainitan, at binasa ni Ibarra ang sulat na ipinadala niya kay Maria Clara bago
siya umalis papuntang Europa. Sa sulat, ipinaliwanag ni Don Rafael na layunin
niya na ipag-aral si Ibarra sa malayong lugar upang makapaglingkod sa bayang
sinilangan nito nang mataas na kalidad. Handa siyang magtiis na mawalay sa
kanyang anak upang maisakatuparan ang kanyang pangarap para sa bayan.
Napaisip si Ibarra dahil sa
natatanging alaala ng sulat at naalala niya na kinabukasan ay Undas at marami
siyang kailangang gawin. Nagpaalam na si Ibarra at binilinan ng Kapitan na
sabihan ang kanyang katiwala na magbabakasyon sila sa San Diego. Sa kabilang
banda, hindi napigilang maluha ni Maria Clara dahil sa sobrang pangungulila sa
kanyang minamahal na si Ibarra. Sinabihan siya ng kanyang ama na ipagtulos si
Ibarra ng dalawang kandila at ialay sa santo ng mga manlalakbay.