Nang sumakay si Ibarra sa bangka ni
Elias, hindi niya maramdaman ang kasiyahan. Agad niyang humingi ng paumanhin
kay Elias dahil sa pagkagambala niya sa binata. Sinabi ni Ibarra na
nakasalubong niya si Alperes at gusto siyang makausap. Ngunit nag-aalala siya
na baka makita si Elias, kaya nagdahilan na lamang siya. Naalala rin ni Ibarra
ang pangako niya na dalawin si Maria Clara.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si
Elias at ibinahagi sa binata ang kanyang misyon bilang sugo ng mga sawimpalad.
Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan na hindi niya
binanggit ang pangalan, ngunit sinubukan pa rin niyang ipaabot ang mga hiling
ng mga sawimpalad na humihingi ng pagbabago sa pamahalaan. Kasama na rito ang
paglalapat ng katarungan, pagbibigay ng dignidad sa mga tao, at pagbawas ng
kapangyarihan ng mga guwardiya sibil na madalas abusuhin ang kanilang
kapangyarihan sa karapatang pantao.
Handa man si Ibarra na gamitin ang
kanyang pera upang humingi ng tulong sa mga kaibigan niya sa Madrid at sa
Kapitan Heneral, iniisip niya na baka lalong makasama ang kanilang balak. Ayon
kay Ibarra, ang pagbawas ng kapangyarihan ng sibil ay maaaring magdulot ng
masamang epekto dahil maaaring mailagay sa panganib ang mga tao.
Idinagdag pa ni Ibarra na para gamutin
ang sakit, kailangang gamutin ang sakit mismo at hindi lamang ang sintomas
nito. Kapag malala na ang sakit, kailangan nang gamitin ang dahas upang sugpuin
ito, kahit na mahapdi ang paraan.
Nagkaroon ng malalim na diskusyon
sina Elias at Ibarra tungkol sa papel ng simbahan at ang mga sanhi ng
panunulisan ng mga tao. Bagaman pareho nilang mahal ang bayan, hindi napapayag
ni Elias si Ibarra sa kanyang pakiusap. Sinabi ni Elias na sasabihin niya sa
mga sawimpalad na umasa na lamang sa Diyos.