Sa tabi ng lawa, nagkita sina Ibarra at ang guro ng San Diego. Itinuro ng guro kay Ibarra kung saan naitapon ang bangkay ng ama nito. Natuklasan na si Tenyente Guevarra ay isa sa mga nakipaglibing sa kanyang ama. Sinabi ng guro ang mga naging tulong ni Don Rafael sa edukasyon at kapakanan ng bayan.
Ipinahayag ng guro ang mga suliranin
na kinakaharap ng San Diego sa edukasyon. Ito ay kinabibilangan ng kakulangan
sa pondo para sa mga kagamitan sa pag-aaral, kakulangan ng maayos na
silid-aralan para sa mga estudyante, kakaibang pananaw ng mga pari sa paraan ng
pagtuturo, mga patakaran ng simbahan sa mga aralin, at kawalan ng pagkakaisa ng
mga magulang at ng mga may katungkulan.
Kahit na pinagsisikapang ituro ng
guro ang mga nilalaman ng mga aklat sa wikang Kastila, pinanghihimasukan pa rin
ito ni Padre Damaso. Sinasaktan at minumura ng pari ang mga bata kapag
naririnig niya ang ingay sa kwadra kung saan sila nag-aaral dahil sa kakulangan
ng silid-aralan.
Ang mga magulang naman ay
sumusuporta sa mga pari sa pagpapalo bilang paraan ng pagdidisiplina at
pagtuturo sa kanilang mga anak. Dahil sa pakikialam ng mga pari at mga balakid
sa pagtuturo, nagkasakit ang guro. Nang bumalik siya sa pagtuturo, napansin
niya na nabawasan ang bilang ng mga estudyante.
Natutuwa ang guro nang malaman na
hindi na si Padre Damaso ang kura ng San Diego. Kaya nagdesisyon siyang iangkop
ang kanyang mga aralin sa kalagayan ng kanyang mga mag-aaral. Bagamat may
kalayaan na siyang gawin ito, mas pinahahalagahan pa rin ng simbahan ang
pagtuturo ng relihiyon.
Nangako si Ibarra na gagawin ang
lahat ng kanyang makakaya upang matulungan ang guro at maibsan ang problema sa
edukasyon sa bayan. Ipapabanggit niya ang mga naging usapan nila ng guro sa
pulong sa paanyaya ni Tenyente Mayor.