Buhay Engineering Student

Tik… 11:30 Tak… 11:35 Tik… 11:40 Tak… 11:45. Pilit niyang pinupunan ng sagot ang mga tanong habang hinahabol ang oras kahit hindi siya sigurado kung tama ba o mali ang mga ito. Alam niyang huling eksamen na ng klase ngayon at malinaw sa isip niya na dapat siya’y nag-aral. Napatingin siya sa paligid. Tahimik ang buong kapaligiran. Walang gumagawa ng ingay sa loob ng silid-aralan na para ba ang bawat segundo’t minuto ay ginto. Gusto niyang ibalik ang oras hindi lang upang mag-aral, kundi siguruhing maipapasa niya ang subject na iyon.

            “69 ang Prelims at 71 naman ang Midterm grade mo”, sabi ng propesor niya habang nakatingin sa class record.
“Ano’ng plano mo ngayon?”, sabay tingin sa kanya.
            “Hahabulin po ang mga grades na ‘yan, sa Finals.”, sinabi n’ya iyon upang may maisagot lamang at dahil wala rin sa kanyang isip ang bumagsak.
“May removal naman”, bulong nito sa sarili. Oo, may ganitong kalakaran sa eskwelahan. Ang mga estudyanteng hindi pumasa sa semestre ay pwede pang makahabol sa pagkuha ng removal. Hindi naman sapilitan ang pagkuha nito at hindi rin sigurado kung papasa ang kukuha.
“Sige, ayusin mo ang grades mo. Pinapaalala ko lang ang sinabi ko sa inyo dati na ‘wag umasa sa removal.”, ani ng propesor.
            “Time’s up! Pass your papers please.” Sa puntong ito, hindi lamang tiyan niya ang may hinahanap, kundi maging ang kanyang utak. Wala ang konsentrasyon niya sa pag-abot ng kanyang papel sa harapan. Umiingay na ang klase pero balewala ito sa kanya. Iniisip na niya ang mga siguradong may tamang sagot. Pero base sa kanyang pinag-aralan at kumpiyansa sa sarili, malayo ang dami ng inaasahang maling sagot sa tama at inaakalang tamang sagot. Isa lang ang nasambit ng kanyang bibig na siya lamang ang nakarinig, “Putek, bahala na sa removal”.
            Malamig ang simoy ng hangin sa umaga habang tinatahak niya ang daan papuntang faculty room. Tahimik ang bawat taong kasabay niya pagpasok at lahat sila’y seryoso. Nakakakaba. Kusa niyang ipinasok ang sarili sa loob ng faculty room at natanaw agad ang taong ipinunta niya ng araw na iyon.
            “Good morning, Sir” sarkastikong bati niya dahil walang “good” sa kabang nararanasan.
            “Grades? Tama ba? Hanapin mo nalang ‘yung pangalan mo dito.”, ipinasilip sa kanya ang monitor ng kompyuter.

            Tumawa siya ng malakas. Nagambala niya iba pang dalubguro na nasa loob ng silid, pero wala na siyang pakialam sa mga iyon. Isa lang ang tumatakbo sa isip niya,    -na hindi siya pumasa at hindi na rin kayang habulin ng removal ang markang nakuha.