Film Review: Heneral Luna

Photo credit to verafiles.org

     Makabayan, magaling, maiinitin ang ulo, walang pasintabi kung magsalita, at mahusay na heneral; iyan ang mga pang-uring laging ikinakabit ng mga tao, mayroon mang Ph. D. sa pag-aaral ng kasaysayan o simpleng tao lang na nakapagsaliksik sa buhay ng ating bayani, tuwing maririnig ang pangalang Antonio Luna. Lahat tayo may kaniya-kaniyang opinyon sa mga pangyayari sa kasaysayan; mula sa iba’t-ibang istorya, haka-haka o simpleng kwento na pilit pinagtatalunan ng mga iilang tao na iprinoklama ang kanilang mga sarili na batas at sila-silang nakaaalam ng tama o mali sa kasaysayan. Bilang isang mamamayang naninirahan sa isang demokratikong bansa, basahin, pag-aralan, at pagnilay-nilayan ang mga pangyayari, tao, at aral ng isang Heneral Antonio Luna mula sa lente ng isang tahimik na mag-aaral.
      Nitong mga nakaraang linggo, namayagpag ang isang pampublikong palabas tungkol sa buhay ni Heneral Antonio Luna. Ang palabas na ito ay base sa libro ni Vivencio Jose na “The Rise and Fall of Antonio Luna”, na ginamit niya bilang isa sa mga kinakailangang ipasa para sa kaniyang dissertation sa Ph. D. sa pag-aaral ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ang palabas ding ito ay tumatalakay sa mga ‘di-matatawarang ambag ng ating bayani sa bayan hanggang sa kaniyang pagkamatay sa kamay rin ng kaniyang mga kapatid sa rebolusyon.
Laktawan na muna natin ang istorya ng kapanganakan o ang pagkabata ng ating paksang bayani upang mapagtuunan ng pansin ang mga malalaking isyu’t sigalot na nakapaloob sa kaniyang pagkatao. Bilang pagpapatuloy, Si Heneral Luna ay isang magaling na mag-aaral sa larangan ng agham, katunayan diyan ang kaniyang pag-aaral sa sakit na malaria, at nakapag-aaral sa mga prestihiyosong paaralan at unibersidad ‘di lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang panig ng mundo sa tulong na rin ng kaniyang illustradong pamilya. Siya’y naging isang manunulat sa La Solidaridad sa ilalim ng alyas na “Taga-Ilog”. Siya’y may malaking nalalaman sa istratehiyang militar mula sa Europa at dahil dito, itinalaga siya bilang “Director of War” sa ilalim ng administrasyon ng Unang Republika. Kilala rin siya bilang isang mahigpit na heneral at patunay nito ang “Artikulo Uno” na nagsasaad ng “Ang sinumang hindi sumunod ay babarilin” na tunay na nagpapakita ng isang heneral na mahigpit sa larangan ng disiplina. Dahil dito’y tinawag siyang Heneral Artikulo Uno. Noong ika-5 ng Hunyo taong 1899, araw ng kamatayan ni Antonio Luna, maraming espekulasyon, opinyon, at haka-haka ang umusbong sa pagkamatay ng ating heneral. Ayon sa ilang historyador, ipinatawag si Heneral Antonio Luna ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa “Presidential Headquarter” ng Unang Republika sa Cabanatuan. Nag-init ang ulo ng ating paksang bayani nang makita ang mga taong nais niyang paalisin sa pwesto dahil sa pamali-maling desisyon at ‘di pagsuporta sa mga natalong laban niya sa mga Amerikano. Habang nagtatalo, nakarinig ng putok ng baril si Heneral Luna sa labas at napag-alaman niyang isang Pilipino ang nagpaputok ng baril dahil sa walang ingat na paghawak ng baril. Nagalit at pinagmumura ng ating bayani ang Pilipino. Dahil sa inis ng heneral, pinagalitan niya si Pedro Janolino at dito na siya pinagtataga ng 34 ulit at pinagtulung-tulongan ng mga kapwa Pilipino. Ayon sa akda ni Antonio Amad, iginiit ni Pedro Janolino na “self-defense” ang nangyari. Ayon sa “La revolucion Filipina” ni Apolinario Mabini, si Aguinaldo lamang ang dapat sisihin sa pagkasawi ni Heneral Luna dahil sa kaniyang sobrang paghahangad ng kapangyarihan. Ayon sa “The Rise and Fall of Antonio Luna”, may isang babae na naninigurado kung patay na ba si Heneral Luna at ito ay may dalawang bersyon. Ang una, sinabi ng matandang babae “Patay na ba iyan?” sa mga pumatay kay heneral at ang pangalawang bersyon naman ay “Patay na ba iyan? Mga masasama kayong tao!” Sa parehong bersyon, iisa ang matandang babae na tinutukoy. Ito ay si Trinidad Aguinaldo y Famy, ina ni Pangulong Emilio Aguinaldo.
Simple lang naman ang gusto ni Heneral Luna, ang paggamit ng makabagong estratehiyang militar sa ilalim ng implementasyon ng mataas na disiplina ng bawat isa na natutunan pa niya mula pa sa Europa upang makasabay at makalaban sa mga Amerikano sa ilalim ng iisang rebolusyon. Ganoong kasimple lang. Bakit hindi na lamang sundin ang adhikaing ito tutal naman ang lahat ng pinaglalaban nila ay para sa inang bayan? Nakakalungkot lang isipin na habang naghahangad tayo ng kasarinlan, habang binubuo pa lamang ang ating republika, habang humuhubog pa lamang tayo ng sariling identidad na ipagmamalaki sa buong mundo, naghihilahan na tayo pababa upang tugunan ang mga gawaing makapag-aangat ng sariling interes imbis na interes para sa bayan. Pero, alam mo ba ang mas nakakalungkot? Ito ay ang pagkakaroon pa rin ng ganitong mentalidad sa ating mga Pilipino. Oo, ikaw, siya, sila, at ako, tayong mga Pilipino, parang walang natututunan sa kasaysayan. Kaya nga siguro naimbento ang kasaysayan at ang kakayahan ng taong lingunin ang nakaraan ay para may mapulutan siya ng aral para hindi siya magmukhang isang mangmang na haharap sa kinabukasan.
Disiplina. Noon pa man ay problema na ito. Hindi pa ba tayo natututo? Hindi na dapat pahabain pa ang paliwanag o kuru-kuro sa aspektong ito. Nakakasawa na.
Sa mas malamim na perspektiba, maraming itinuturo si Heneral Luna lalo na noong lumabas sa mga sinehan ang kaniyang pelikula. Halimbawa na lamang ang pagtatanong ng mga mangmang, ignorante, at utak-biya na mga kabataan kung bakit naka-upo si Apolinario Mabini sa lahat ng eksena niya sa pelikula. Lumalabas na mas marami pa tayong alam sa “Aldub” at “Pastillas girl” kaysa sa kasaysayan natin. Nakakalungkot. Nakakapangilabot. Dito natin nasaksihan kung gaano kaliit ang pagpapahalaga o kahit ang paki-alam ng henerasyong lagi nating tinutukoy bilang “pag-asa ng bayan”.

Isa pang bagay, wala namang maitutulong ang paglalagay ng bulaklak sa puntod o dambana ng mga bayani natin o ang pagkakaroon ng natatanging araw para sa kanila. Oo, totoo ang mga naunang sinabi ko kung hindi rin naman babasahin, pag-aaralan, at pagtutuunang pansin ang mga prinsipyo, pangarap, at adhikaing ipinagpatayan nila kasama ang mga ‘di kilala o hindi na kinilalang sundalo para sa inang bayan.